This mother’s day video of Marian and Dong will make you cry

Dong directed a short film dedicated to all the mothers out there

MALIIT NA BAGAY
(ni Yan Yuzon)

Ang aking mga kamay ay sanay
Sa paggawa ng maliit na bagay.

Ang pagpagpag?
Pagtupi?
Paghain ng agahan?

‘Sus.
Maliit na bagay!

Ang pagkusot, pagpiga,
Pagbanlaw at pagsampay–

Naman.
Maliit na bagay!

Walang pansing hinihingi.
Walang singil na kabayaran.
Bukal sa aking kalooban.
Naghahangad lamang magbigay–
Ng maliit na bagay.

Pagsaing. Paghalo.
Paggisa. Pagtimpla.
Paghiwa, pagtadtad,
pagsigang, paglaga,
pag-adobo, pag-tinola,
pag-menudo, pag-kaldereta…
At marami pang iba.
Wala namang mahirap diyan.
Kayang kaya ni Nanay.
Hindi ba’t sabi ko ako’y sanay
Sa maliit na bagay?

Pagwalis at paglampaso.
Pagligpit ng laruan.
Pagpalit ng damit sa tuwing ika’y papawisan.
Pagturo sa bawat letra nang
magsanay kang bumasa.
Paghatid ng tubig sa tuwing ika’y
nauuhaw.
Pag-angat sa iyong kumot tuwing ika’y giniginaw.

Paghaplos sa iyong pisngi
Habang pikit ang iyong mata,
Kung maaari lang
hanggang sa panag-inip mo’y
Aalagaan kita.

Maliit na bagay–
Ngunit saan nagmumula?

Sa pag-ibig na sa lawak ay higit pa sa daigdig.
Malalim pa sa dagat at mataas pa sa langit.
Misteryo nga kung paanong ang pag-ibig ay naisiksik,
Sa puso kong munti na halos manakit–
Sa ubod ng laking pag-ibig!

Hindi nababasa ang isip.
At dinig lamang ang salita.
Pero damang-dama ang gawa–

Ng aking mga kamay.

Mga kamay na sanay–

Sa maliit na bagay.


Loading...